Wednesday, November 21, 2012

Two Party System



   May panukala sa Senado na ibalik sa dati ang sistema ng pulitika sa Pilipinas. Gawin na lang uli itong two party system. Ito ay ang Senate Bill 3214 o The Political Party Development Act na inakda ni Sen. Edgardo Angara. Layunin ng batas na ito magkaroon ng katapatan ang isang kandidato sa kanilang partido. Nang sa gayun ay mawala na ‘yung mga palipat-lipat sa kabilang kampo.   Ang kaso, mukhang estado ang sasalo sa gastos ng dalawang partido. Siguro para maiwasan na rin ‘yung pagpapaluwal ng malaking pera ng mga pulitiko tapos kapag nanalo babawiin na lang nila, may tubo pa.  
 
    Sa kasaysayan ng Pilipinas, noon ay may two party system na at ito ay ang Nacionalista Party at Liberal Party. Ang una ay naitayo noong pang 1907 at ang pangalawa naman ay noong 1946. Hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang nasabing mga partido. Natapos ang two party system noong 1972 pa. Sa ngayon ay sandamakmak na ang party, party!
 
    Mas madali nga naman kapag dalawa lang ang  partido kumpara sa marami dahil malilito ka talaga. Kapag dalawa lang, para ka lang nagsasabong. Mamimili ka lang kung sa meron o sa wala, sa pula o sa puti.  Sususiriin mo lang ang plataporma ng bawat isa ay makakapagdesisyon ka na kung sino ang pipiliin mo. Hindi naman ito kagaya sa may mga salawahan na nahihirapang magdesisyon kung sino ang pipiliin sa dalawang minamahal.  
 
    Parang sa Amerika lang na may dalawang partido, ang Democrats at Republican. Pero nasa Pilipinas tayo, mga ka-Weh ‘Di Nga! Alam naman dito sa atin na palipat-lipat ng partido ang mga pulitiko. Kung saan ang inaakala nila na makakaangat sila siyempre doon sila. Alangan namang papalubog na ang bangka ay hindi pa sila aalis? Aanhin mo ang katapatan sa iyong partido kung ikaw naman ay matatalo. Aba’y doon ka na sa may malakas na makinarya dahil madadala ka nito. Mahirap naman kapag magiging independent ka mabuti kong napakakilala mo o ‘di-kaya’y marami kang pera. Mga balimbing talaga, oo!
 
    Mabuti pala si Manuel L. Quezon dahil sinabi niyang, "My loyalty to my party ends where my loyalty to my country begins." Hindi siya sa partido magpapakaloyal  kundi sa mismong bansa. Pero puwede rin namang baguhin ang interprestasyon nito ng mga balimbing. Kapag lumipat sila ng partido ay puwede nilang sabihin na sa bansa rin sila nagtatapat. Ang totoo, tapat lang sila sa kanilang interes.
 
    Pero paano nga, halimbawang maging dalawa ang partido pero wala ka namang mapili sa dalawang kandidato. Hindi dahil sa walang sukat kabigin kundi parehong walang kuwenta dahil parehong walang malasakit sa interes ng bayan? Wala tayong magagawa kundi ang mamili na lang ng lesser evil, ganoon? Tapos ang taumnbayan pa ang gagastos sa kanilang kandidatura. Aba’y ang saya naman nila. Ma-pa two party system man ‘yan o hindi, sana lang ay maging matalino sa pagpili ang mga botante sa mamanukin nila sa araw ng halalan. Huwag basta patatangay sa boladas ng mga pulitiko.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...