Ayon sa survey,
tayong mga Pinoy daw ang pinaka-emosyonal na lahi sa buong mundo. Well, palagay
ko hindi na kailangan pa ng survey para malaman pa ito. Totoong meron tayong
pagka-emo. Marami sa atin na inilalabas kung ano man ang nasa kaloob-looban.
Kaya’t gumagawa tayo ng paraan para maipahayag ang ating nararamdaman.
Kaya nga pumatok sa
atin ang mga kanta nina Imelda Papin, April Boy Regino at ngayon naman ay lagi
nating naririnig ang kantang Pusong Bato! Sino ba naman ang hindi makaka-relate
sa mga love song? Lahat naman tayo ay marunong magmahal at minsan ay nasasaktan
din. Matanong ko lang, ano nga ba ang team song n’yo ng ex mo o ng dyowa mo
ngayon? Pustahan tayo, kapag naririnig mo ay meron kang nararamdaman. Puwedeng
napapangiti ka o naaasar na lang. Apektado ba? Kaya lang, ‘yung iba sa sobrang
pag-i-emote kahit nasa sasakyan na ay sinasabayan pa ang pagkanta. ‘Di lang ‘yun,
todo emote lalo kapag nasa harap ng videoke. Pakiayos nga ng lyrics ng I keynt
lib, I keynt lib widawt yu...
Kaya usung-uso rin
sa atin ang tele nobela mula umaga hanggang gabi. Kasi nga mahilig tayong
mag-emote. Lalo na kapag may mga eksena na namamatay, naaapi o nasasaktan.
Nakararamdam din tayo ng kirot sa puso kahit paano. Kumbaga, nakukuha ang
simpatya natin. Maaaring may kakilala tayo na ganyan ang karanasan o mismong
tayo ang nakaranas ng malulungkot na bagay. Pero ‘di natin namamalayan, tayo na
pala ang nakakaawa kasi lulong na masyado sa tele nobela at para bang dito na
umiikot ang buhay ng ilan sa atin. Aaminin ko, maging ako nadadala rin minsan
ng mga palabas. Nakakahiya mang aminin, may pagkakataong bigla na lang
pumapatak ang luha ko. Kasi naman, ang lungkot-lungkot, eh. May ilang Korean
Novela na nagpaiyak sa akin. Simple lang ang pagdadrama nila pero tagos sa
puso. ‘Di gaya sa tele nobela ng Pinoy na kung ilang balde na ang iniluluha ng mga
artista.
Emotero tayo kaya
madali rin sa atin ang magbigay ng reaksyon lalo na’t kung may mga dayuhan na
mamintas sa ating mga Pinoy kahit totoo naman ang kanilang obserbasyon.
Pakiramdam kasi natin parang ang ating pagka-Pinoy ang kanilang tinitira. Emotero
tayo dahil ang maliliit na bagay ay pinapalaki natin. Ang konting tampuhan,
minsan nauuwi sa away. Ang maliit na eksena,nagiging eskandalo lalo na’t kapag
nakunan ng video at ipinakalat sa internet! Nanghuhusga na tayo kahit ‘di naman
buo ang eksenang napanood natin. Huwag na nating isama pa ang social media na patunay
ng pagiging emotero natin. Naging labasan na kasi ito ng ating emosyon. Kung
tayo ay natutuwa, nagagalit, nagmamahal, nanunuya o kung anumang feelings ‘yan.

I don't know what's worse - being the most emotional country or being the least emotional as they've tagged Singapore, hehe
ReplyDelete