Ayon sa survey, tayong mga Pinoy daw ang pinaka-emosyonal na lahi sa buong mundo. Well, palagay ko hindi na kailangan pa ng survey para malaman pa ito. Totoong meron tayong pagka-emo. Marami sa atin na inilalabas kung ano man ang nasa kaloob-looban. Kaya’t gumagawa tayo ng paraan para maipahayag ang ating nararamdaman.

   Kaya nga pumatok sa atin ang mga kanta nina Imelda Papin, April Boy Regino at ngayon naman ay lagi nating naririnig ang kantang Pusong Bato! Sino ba naman ang hindi makaka-relate sa mga love song? Lahat naman tayo ay marunong magmahal at minsan ay nasasaktan din. Matanong ko lang, ano nga ba ang team song n’yo ng ex mo o ng dyowa mo ngayon? Pustahan tayo, kapag naririnig mo ay meron kang nararamdaman. Puwedeng napapangiti ka o naaasar na lang. Apektado ba? Kaya lang, ‘yung iba sa sobrang pag-i-emote kahit nasa sasakyan na ay sinasabayan pa ang pagkanta. ‘Di lang ‘yun, todo emote lalo kapag nasa harap ng videoke. Pakiayos nga ng lyrics ng I keynt lib, I keynt lib widawt yu...

    Kaya usung-uso rin sa atin ang tele nobela mula umaga hanggang gabi. Kasi nga mahilig tayong mag-emote. Lalo na kapag may mga eksena na namamatay, naaapi o nasasaktan. Nakararamdam din tayo ng kirot sa puso kahit paano. Kumbaga, nakukuha ang simpatya natin. Maaaring may kakilala tayo na ganyan ang karanasan o mismong tayo ang nakaranas ng malulungkot na bagay. Pero ‘di natin namamalayan, tayo na pala ang nakakaawa kasi lulong na masyado sa tele nobela at para bang dito na umiikot ang buhay ng ilan sa atin. Aaminin ko, maging ako nadadala rin minsan ng mga palabas. Nakakahiya mang aminin, may pagkakataong bigla na lang pumapatak ang luha ko. Kasi naman, ang lungkot-lungkot, eh. May ilang Korean Novela na nagpaiyak sa akin. Simple lang ang pagdadrama nila pero tagos sa puso. ‘Di gaya sa tele nobela ng Pinoy na kung ilang balde na ang iniluluha ng mga artista.

 
    Emotero tayo kaya madali rin sa atin ang magbigay ng reaksyon lalo na’t kung may mga dayuhan na mamintas sa ating mga Pinoy kahit totoo naman ang kanilang obserbasyon. Pakiramdam kasi natin parang ang ating pagka-Pinoy ang kanilang tinitira. Emotero tayo dahil ang maliliit na bagay ay pinapalaki natin. Ang konting tampuhan, minsan nauuwi sa away. Ang maliit na eksena,nagiging eskandalo lalo na’t kapag nakunan ng video at ipinakalat sa internet! Nanghuhusga na tayo kahit ‘di naman buo ang eksenang napanood natin. Huwag na nating isama pa ang social media na patunay ng pagiging emotero natin. Naging labasan na kasi ito ng ating emosyon. Kung tayo ay natutuwa, nagagalit, nagmamahal, nanunuya o kung anumang feelings ‘yan.

    Sa huli, wala namang masama kung maging emotero tayo basta’t nasa lugar lang. Halimbawa, galit na nga ang tao gagatungan mo pa e ‘di sumiklab na ‘yan. Depressed na nga pinanghina mo pang lalo ang loob aba’y baka mag-suicide na ‘yan. Kung ‘di ka emo, malamang bato ka. Paki-tugtog nga ng Pusong Bato, please?